Sir, isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong kolum Misyon Aksyon sa Abante. Nabasa ko po ang lumabas na kolum ninyo noong December 22, 2009 na “Trabaho sa Pagcor na card dealer peke” na maipaabot para malaman kung totoo sa dahilang mas marami ang nagbabakasakali at ‘di alintana ang laki ng perang magagastos sa dahilang kung ikaw nga naman ay mapasok tiyak parang nag-abroad ka na bukod sa sahod mas malaki ang makukuha mong tip kaya kailangan bago ka makapasok tiyak mga bigating pulitiko ang dapat na “backer” para siguradong pasok ka sa Pagcor.
Tama po. Buwan ng Abril, isa po ako sa nag-undergo ng walong buwang training sa ilalim ng “LYNX Casino” ang kanilang opisina ay malapit sa tabi ng DFA na isang foreign national, Greek, ang siyang nangangasiwa at ang ka-partnership ay ang Pagcor. Kapag ikaw ay nakatapos sila ang magrerekomenda na maging empleyado ka ng Pagcor sa Pinas o sa ibang malalaking casino sa mundo sa dahilang kilala ang nasabing agency na nagha-handle ng training.
Sa bawat araw na iyong training ay may babayaran kada araw para turuan kung papaano ka maging card dealer. Sa loob ng isang buwan, papasok ka ng 20 days kaya ang babayaran mo ay Php500.00 kada araw. Samakatuwid sa loob ng isang buwan ay Php10,000 at walong buwan ang ipinasok mo ay Php80,000 ang kabuuang gastos para maging isang mahusay na card dealer.
Hindi ka naman tatanggapin ng Pagcor na maging empleyado ng casino kung hindi mo tatapusin ang walong buwan na training na ibinigay ng LYNXY Casino.
Ang masaklap po nito, humigit-kumulang sa 700-katao na ang pumasok at dumaan sa kanilang training at ni isa ay wala pong naging empleyado ng Pagcor.
Samantalang nu’ng bago pa lamang kaming mag-undergo ng training, ipinakikita sa amin ang kanilang MOA kung papaano makakapasok sa nasabing ahensiya at sila lamang ang may karapatan na magsagawa ng training na papasok o magiging empleyado nila o ng Pagcor sa buong Pilipinas.
Ang ganitong raket ng umano’y taga-Pagcor at isang foreign investor ay nakakabahala sa dahilang imbes na makatulong ang Pagcor sa mga Pilipinong nagnanais na makapasok sa nasabing ahensiya, sila pa ang ginagawang instrumento dahilan para makapanloko.
Lubos po kaming umaasa na makakarating ito kay Pagcor Chairman Efraim Genuino.
Gumagalang,
Ms. Mutya
Paging again Pagcor Chairman and CEO Efraim C. Genuino, sir, pakiimbestigahan naman po ang kumpanyang “LYNYX CASINO”.
‘Di po ba’t nakakabahala ang ganitong raket na isinasangkot umano ang inyong ahensiya samantalang kayo po ang ahensiya na mapagkawanggawa?