Monday, December 14, 2009

PALIWANAG NG BANGKO SENTRAL

Ginoong Petil:


Ito?po ay hinggil sa inyong isinulat sa inyong kolum na “Misyon Aksyon” sa Abante ukol sa problema ng ilang “buyers” ng aming mga ibinebentang lupa dito sa Asset Management Department ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).


Bilang mga kawani ng dating gobyerno, kami po ay may mga alituntuning sinusunod tungkol sa pagbebenta ng mga lupang nasa aming pangangalaga. Kasama sa alituntuning ito ay ang mga patakaran ukol sa aming mga ahente o “brokers”. Ang mga “accredited brokers” ng aming departamento ay masusi naming pinipili at ang mga ito ay madalas naming pinupulong ukol sa mga panuntunan sa pagbebenta.


Ang isyung inyong inulat sa amin hinggil sa pagpapasa ng mga ahente na ang aplikasyon ng mga kliyente ay siguradong aaprubahan namin lingid sa?aming kaalaman. Sa katunayan po, ang pag-aapruba ng mga alok ng pagbili ng lupa ay hindi responsibilidad ng aming departamento, kundi ng Committee on Disposal of Real Properties (CDRP). Ang aming departamento ang nagsusuri ng mga alok base sa mga dokumentong isinumite at batay sa aming rekomendasyon ay nagdedesisyon ang CDRP. Gayunman, mabilis naming tutugunan ang problemang inyong isinumbong base sa aming sariling pagsusuri nito. Maari lamang pong ipagbigay alam ninyo sa amin ang kumpletong impormasyon tungkol dito at gagawin namin ang aming nararapat na hakbang.


Mariin din po naming itinatanggi ang sumbong tungkol sa umano’y pagsasabi namin sa aming mga kliyente na maghintay sila ng anim hanggang pitong buwan bago maaprubahan ang kanilang mga aplikasyon sa pagbili ng mga lupa. Ang lahat po ng aplikasyon sa pagbili ng lupa ng BSP ay agaran naming tinutugunan sa abot ng aming makakaya at ito po ay sa “First-come, first served” basis. Ang mabilis na pagsusuri ng mga alok ay nakabatay din sa pagsusumite ng mga kumpletomg dokumento ng kliyente. Bukod po sa napakaraming bumibili na dumudulog sa aming tanggapan sa loob ng isang araw, ang aming mga kawani ay ginagampanan din ang iba pang mga tungkulin ukol sa pangangalaga ng mga “acquired assets” ng BSP.


Sa mga interesadong bumili ng mga lupa ng BSP, maari po kayong dumiretso sa aming tanggapan at malugod po kayong paglilingkuran ng aming mga kawani upang maiwasan ang ganitong uri ng problema.
Kami po ay humihingi ng inyong pang-unawa. Maraming salamat po.

Lubos na gumagalang,
GERALDINE C. ALAG

NOTE: PROBLEMA SA SSS, GSIS, PAG-IBIG HOMEOWNERS AT IBA PA. CELLPHONE NO. SMARTBRO: 09281256871 GLOBE: 091659862736 EMAIL ADDRESS: Misyonaksyon@yahoo.com
arnel_petil@yahoo.com arnelpetil@gmail.com http://misyonaksyon.blogspot.com